Human papillomavirus (HPV)

​​Ang human papillomavirus (HPV) ay isang napaka-karaniwang virus na kumakalat sa pamamagitan ng pagdidikit ng balat-sa-balat (skin-to-skin contact) na maaaring makaapekto sa iba't ibang bahagi ng katawan. May iba't ibang uri ng HPV. Ang ilang mga uri ay walang nakikitang mga sintomas o maaaring magsanhi lamang ng mga wart. Ang ilang mga uri ay 'mataas ang panganib' at kung minsan ay maaaring magsanhi ng malubhang karamdaman, kabilang ang partikular na mga kanser kung hindi magagamot.

Ang bakuna laban sa HPV ay napakabisa sa pagpigil ng mga sakit na nauugnay sa HPV at libre para sa lahat ng taong may edad 9 hanggang 25 taon sa pamamagitan ng National Immunisation ​Program.

Ano ang HPV?

Ang human papillomavirus (HPV) ay maaaring makaapekto sa iba't ibang bahagi ng katawan. Mayroong mahigit sa 100 uri ng HPV at humigit-kumulang 40 na maaaring makaapekto sa bahagi ng ari (genital area). Ito ay isang karaniwang impeksyon na nakukuha sa pakikipagtalik.

Ang ilang mga uri ng HPV ay maaaring magsanhi ng:
  • genital warts (na-classified bilang 'low risk' HPV infection),/li>
  • abnormal na mga selula na maaaring magsanhi ng mga kanser sa kuwelyo ng matris (cervix), vulva, ari ng babae, ari ng lalaki, puwit, bibig at lalamunan (itinuring bilang 'mataas ang panganib' na impeksyon ng HPV).

Ang bakuna laban sa HPV ay napaka-epektibo sa pagpigil sa impeksyong HPV.

Paano kumakalat ang HPV?

Ang HPV ay kumakalat sa pamamagitan ng skin-to-skin contact sa isang taong may virus, kadalasan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa puwerta, puwit o gamit ang bibig (vaginal, anal, or oral sex).

Ang mga taong may HPV ay kadalasang walang sintomas at maipapasa nila ito sa iba nang hindi nila nalalaman. Ginagawa nitong madali para sa genital HPV na kumalat sa mga taong madalas makipagtalik (sexually active).

Hindi pa nalalaman kung gaano katagal mananatiling nakakahawa ang isang taong may impeksyon ng HPV o maaaring makapagpasa ng virus sa isang sekswal na katalik (sexual partner).

Ang HPV ay maaari ring maipasa ng ina sa kanyang anak sa oras ng panganganak.

Ano ang mga sintomas ng HPV?

Hindi lahat ng uri ng HPV ay mayroong nakikitang sintomas.

Maaaring kabilang sa mga sintomas ang:

  • mga bukol, pananakit o pangangati sa bahagi ng ari o puwit
  • hindi pangkaraniwang pagdurugo sa ari ng babae o puwit.

Sino ang higit na nanganganib mahawahan ng HPV?

Lahat ng taong aktibo sa pakikipagtalik ay nasa panganib na malantad sa HPV.

Ang panganib na mahawahan ng HPV ay mas mababa sa mga taong nabakunahan laban sa HPV.

Paano ko mapoprotektahan ang aking sarili laban sa HPV?

Ang panganib na mahawahan ng HPV ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng:

  • palagiang paggamit ng condom para sa vaginal, anal o oral sex
  • pagpapabakuna (tingnan ang seksyon ng 'Sino ang dapat magpabakuna laban sa HPV? ' sa ibaba).

Sino ang dapat magpabakuna laban sa HPV?

Ang pagbabakuna laban sa HPV ay inirerekomenda para sa:

  • mga kabataan na may edad 9–25 taon
  • mga taong may malubhang mga kondisyong nagpapahina ng imyunidad (immunocompromising condition)
  • mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Ang bakuna laban sa HPV ay pinakamabisa kapag ibinigay sa isang tao bago siya maging aktibo sa pakikipagtalik.

Ang Gardasil HPV vaccine ay nagpoprotekta laban sa 9 na uri ng HPV na nagiging sanhi ng:

  • mahigit sa 90% ng mga cervical cancer
  • mahigit sa 95% ng mga kanser na nauugnay sa HPV.

Nagbibigay din ng proteksyon ang bakuna laban sa 2 uri ng HPV na nagsasanhi ng 90% ng mga genital wart. Pinipigilan ng bakuna ang mga bagong impeksyon ng HPV virus ngunit hindi ginagamot ang mga kasalukuyang impeksyon ng HPV.

Ang pagbabakuna sa HPV ay libre para sa mga taong may edad na 12-13 taon sa pamamagitan ng programa ng pagbabakuna sa paaralan. Ang mga kabataan na wala pang 26 taong gulang na hindi nakuha ang kanilang pagbabakuna sa HPV sa paaralan ay maaaring makakuha ng libreng bakuna sa pamamagitan ng isang healthcare provider o parmasyutiko.

Ang bakuna laban sa HPV ay maaaring tustusan sa ilalim ng Overseas Student Health Cover para sa mga Internasyonal na Estudyante. Ang mga internasyonal na estudyante ay dapat makipag-ugnayan sa kanilang tagapagbigay ng seguro at tagapagbigay ng pagbabakuna upang talakayin kung magkano ang magagastos dito at kung magkano ang tutustusan.

Ang bakuna ay hindi dapat ibigay habang buntis ngunit ligtas ibigay habang nagpapasuso.

Paano nadidiyagnos ang HPV?

Ang mga genital wart ay nadidiyagnos ng iyong GP o nars sa pamamagitan ng visual na pagsusuri sa bahagi ng ari. Walang ginagamit na pagsusuri para madiyagnos ang mga wart. Gayunpaman, sa ilang mga kaso, ang GP o nars ay maaaring magsagawa ng pagsusuri upang ibukod ang iba pang mga sanhi ng mga sintomas sa ari.

Ang sinumang may cervix sa pagitan ng edad na 25 hanggang 74 na taon na naging aktibo sa pakikipagtalik ay maaaring magpasuri para sa HPV bilang bahagi ng National Cervical Screening Program upang maiwasan ang cervical cancer. Ang pagsusuring ito ay karaniwang isinasagawa ng isang GP o nars na kumukuha ng swab sa kuwelyo ng matris (cervix). Ang isa pang opsyon ay ang sarili mong pagkolekta ng swab. Bibigyan ka ng mga tagubilin ng iyong doktor o nars kung paano ang pagkolekta ng sample.

 Ang sample ay ipapadala sa laboratoryo at kakausapin ka ng iyong doktor o nars tungkol sa iyong mga resulta. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa pagsusuring ito ay matatagpuan sa cervical screeningTumawag sa healthdirect (1800 022 222) para humanap ng serbisyo ng pagsusuri na malapit sa inyo.

Paano ginagamot ang HPV?

Walang lunas para sa impeksyong HPV. Karamihan sa mga tao ay likas na nag-aalis ng virus mula sa katawan sa loob ng 1-2 taon.

Maaaring gamutin ang mga wart gamit ang cryotherapy (pag-freeze ng mga wart gamit ang likidong nitrogen), pagpapahid ng iniresetang gamot, mga laser treatment o, pag-aalis sa pamamagitan ng operasyon para sa mga pabalik-balik na mga wart.

Kung may natuklasang uri ng HPV na may mataas na panganib sa cervical screening test, maaaring kailanganin ang karagdagang pagsusuri at paggamot ng isang espesyalistang doktor (specialist healthcare provider). 

Karagdagang Impormasyon

Current as at: Tuesday 8 April 2025
Contact page owner: Communicable Diseases