Genital herpes

​​​Ang genital herpes ay isang pangkaraniwang impeksyon na naikakalat sa pakikipagtalik. Wala itong lunas ngunit ang mga sintomas ay maaaring makontrol ng gamot. Maaaring gamitin ang mga gamot laban sa virus upang gumaling nang mas mabilis ang mga sugat at mabawasan ang panganib ng pagkalat.

Ano ang genital herpes?

Ang genital herpes ay isa sa pinaka-karaniwang sexually transmissible infection (STI) sa Australya. Humigit-kumulang 1 sa 8 kataong aktibo sa pakikipagtalik ang may genital herpes. Ang genital herpes ay sanhi ng herpes simplex virus. Ang herpes simplex virus type 1 (HSV-1) ay pinaka-karaniwang lumilitaw sa paligid ng bibig, na humahantong sa mga paltos o cold sore, ngunit maaari ring maging sanhi ng genital herpes. Ang herpes simplex virus type 2 (HSV-2) ay halos palaging lumilitaw sa bahagi ng ari (genital area).

Paano kumakalat ang genital herpes?

Ang genital herpes ay naipapasa sa pamamagitan ng pagdidikit ng balat-sa-balat (skin-to-skin contact) na nangyayari habang nakikipagtalik sa puwerta, puwit o gamit ang bibig (vaginal, anal or oral sex). Ang genital herpes ay maaari ring maipasa ng ina sa kanyang sanggol habang ipinapanganak ito.

Ito ay madaling kumalat kapag may mga paltos o sugat, ngunit kung minsan, ito ay maaaring maipasa kahit na ang isang tao ay walang aktibong mga paltos, sugat o iba pang sintomas (kilala bilang asymptomatic viral shedding). 

Ano ang mga sintomas ng genital herpes?

Ang maraming tao na may genital herpes ay maaaring walang sintomas at maaaring hindi nila alam na mayroon silang impeksyon.

Para sa mga taong may mga sintomas, ang mga sintomas ay maaaring magsimula ilang araw, linggo o buwan makaraang malantad sa virus. Ang unang 'episode' o paglitaw (outbreak) ng genital herpes ay maaaring magdulot ng napakatinding sakit.

Kabilang sa mga sintomas ang:

  • tila-trangkasong mga sintomas
  • maliliit na paltos sa paligid ng ari. Ang mga paltos na ito ay puputok upang maging mababaw at masakit na mga singaw (ulcer), maglalangib at bubuti pagkatapos ng 1 hanggang 2 linggo
  • pamumula ng balat o kapansin-pansing pantal
  • pamamaga sa bahagi ng ari na nagpapahirap sa pag-ihi
  • maliliit na bitak sa balat.

Kung mayroon kang mga sintomas na pabalik-balik (paulit-ulit na mga paglitaw), ito ay maaaring dahil sa:

  • stress
  • Menstuation
  • Sekswal na Aktibidad
  • Pangkalahatang Sakit
  • Mababang kaligtasan sa sakit (dahil sa paggamot na lumalampas sa iyong immune system).

Ang mga paulit-ulit na paglitaw ay karaniwang mas banayad, hindi gaanong masakit at mas sandali lamang. Ang mga sintomas ay maaaring bumalik nang mas madalas para sa HSV-2 kaysa sa HSV-1.

Sino ang mas nanganganib na magkaroon ng genital herpes?

Lahat ng mga taong aktibo sa pakikipagtalik ay nanganganib na mahawahan. Sa Australya, ang mga taong pinaka-nanganganib na mahawahan ng herpes ay:

  • mga taong nakipagtalik nang hindi protektado (nang walang condom o dental dam) sa isang taong may genital herpes
  • mga taong kamakailan ay nagpalit ng mga katalik (sexual partner)
  • mga taong may maraming mga katalik
  • mga sanggol na isinilang ng mga ina na nagkaroon ng genital herpes sa huling 3 buwan ng pagbubuntis.

Paano ko mapoprotektahan ang aking sarili laban sa genital herpes?

Maaaring maiwasan ang genital herpes sa pamamagitan ng:

  • palagiang paggamit ng condom at dental dam para sa vaginal, anal at oral sex
  • hindi pagkakaroon ng skin-to-skin contact o pakikipagtalik sa sinumang may nakikitang mga paltos o ulcer
  • paggamit ng condom na may lubricant habang nakikipagtalik upang mabawasan ang panganib ng pagkiskis at pagsugat sa balat ng ari.

Kung ikaw ay buntis at mayroon kang genital herpes, mahalagang sabihin ito sa iyong midwife o obstetrician dahil maaari itong maging mapanganib para sa iyong sanggol. Ito ay dahil may kaunting panganib na mahawahan nito ang sanggol sa oras ng panganganak.

Paano nadidiyagnos ang genital herpes?

Kung sa palagay mo ay maaaring mayroon kang mga sintomas ng genital herpes, mahalagang magpasuri ng sekswal na kalusugan. Maaaring madiyagnos ng iyong GP o nars ang genital herpes sa pamamagitan ng pagsasagawa ng swab test sa mga paltos o sugat. Tumawag sa healthdirect (1800 022 222) para makahanap ng serbisyo ng pagsusuri (testing service) na malapit sa inyo.

Paano ginagamot ang genital herpes?

Bagama't walang lunas para sa genital herpes, ang gamot at iba pang mga remedyo sa bahay ay maaaring makatulong na makontrol at mabawasan ang kalubhaan ng mga sintomas. Kabilang sa mga ito ang:

  • pag-inom ng mga gamot laban sa virus upang maging madalang ang paglitaw at kalubhaan ng mga paglitaw
  • paliligo sa tubig na may asin (salt baths)
  • paglalagay ng ice pack sa mga apektadong bahagi
  • pag-inom ng mga painkiller (pang-alis ng sakit) tulad ng paracetamol.

Hindi dapat gamitin sa maselang bahagi ng ari ang gamot para sa cold sore at cream para sa labi o mukha.

Karagdagang Impormasyon

  • Sexual Health Infolink (SHIL) para sa libre at kumpidensyal na suporta sa kalusugang sekswal kabilang ang isang kumpidensyal na help line sa telepono na available sa publiko, Lunes hanggang Biyernes, 9:00am hanggang 5:30pm sa pamamagitan ng pagtawag sa 1800 451 624
  • Play Safe para sa mga kabataan upang ma-access ang impormasyon tungkol sa ligtas na pakikipagtalik at pag-iwas, pagsusuri at paggamot sa STI.
  • Let them know para sa payo at tulong sa kumpidensyal at hindi makikilalang contact tracing para sa lahat ng mga sexual partner.
  • Better to Know para sa mga taong Aborihinal at Torres Strait Islander upang makakuha ng impormasyon tungkol sa mga karaniwang STI at kung saan maaaring magpasuri. Nag-aalok din ang site ng paraan para sabihin ito sa mga sekswal na katalik nang hindi nila malalaman kung sino ka.
  • International Student Health Hub para sa mga internasyonal na estudyante upang makakuha ng impormasyon tungkol sa ligtas na pakikipagtalik, mga STI, pagpipigil sa pagbubuntis at pagbubuntis.
  • Family Planning ºÚÁϳԹÏÍø Talkline para sa impormasyon at payo tungkol sa kalusugang reproductive at sekswal. Ito ay libre, kumpidensyal at available Lunes hanggang Biyernes, 8:00am-8:00pm, sa 1300 658 886.
Current as at: Friday 4 April 2025
Contact page owner: Communicable Diseases